X Incorrect username or password! Username and password cannot be empty!
Shaykh Ṣāliḥ ibn Fawzān al-Fawzān:
Kung natapos ang buwan ng Ramaḍān, tunay na hindi natatapos ang karapatan ng Allāh maliban sa kamatayan,
وَٱعْبُدْ رَبَّكَ حَتَّىٰ يَأْتِيَكَ ٱلْيَقِينُ
{at sambahin mo ang iyong panginoon hanggang dumating sa inyo ang katiyakan (ang kamatayan)}
Ang Allāh, Siya ang Panginoon ng (buwan ng) Ramaḍān, at Siya ang Panginoon ng (buwan ng) Shawwāl, at Siya ang Panginoon ng lahat ng buwan ng taon, kaya katakutan ninyo ang Allāh sa bawat buwan, at pangalagaan ninyo ang inyong relihiyon, pangalagaan ninyo ang inyong relihiyon sa buong buhay ninyo, dahil ito ang puhunan ninyo sa Allāh, Siyang Malaya sa lahat na kakulangan at Ang Kataas-Taasan, at ito ang inyong kaligtasan mula sa Apoy (ng Impyerno), kaya pangalagaan ninyo ang inyong relihiyon, at panghawakan ninyo ito sa bawat buwan at sa bawat oras.
Katotohanan, ang buwan ng Ramaḍān ay sinusundan ng Shukr (pasasalamat), at sinusundan ng Istighfār (paghingi ng kapatawaran), at sinusundan ng kasiyahan sa biyaya ng Allāh na nagpahintulot sa atin upang mag-ayuno para sa kanya, at tumayo para sa kanya, kaya tayo ay nagagalak para sa biyayang ito, hindi natin ikinagagalak ang pagtatapos ng buwan, bagkus nagagalak tayo dahil nakumpleto natin ang pagsamba sa Allāh, ito ang dahilan kung bakit tayo nagagalak.
قُلْ بِفَضْلِ ٱللَّهِ وَبِرَحْمَتِهِۦ فَبِذَٰلِكَ فَلْيَفْرَحُوا۟ هُوَ خَيْرٌ مِّمَّا يَجْمَعُونَ
{Sabihin mo: Sa Biyaya ng Allāh at Kanyang Awa, sa ganyan, hayaan silang magalak, ito ay mainam kaysa sa (kayamanan na) tinitipon nila}
At mag-ingat kayo sa sobrang aliwan at paglalaro, at sobrang kapabayaan at pag-iwas sa pagsunod sa Allāh, dahil masigasig ang Shayṭān na mapawalang-saysay ang inyong mga gawain, at mabura ang lahat ng mga kabutihan na ginawa ninyo, kaya tutuksuhin niya ang ibang tao na kapag natapos na ang Ramaḍān, ang mga tao ay nagiging malaya at maluwag na para siyang nakalabas mula sa bilangguan, kaya siya’y pabayang magmamadali sa aliwan, paglalaro, kapabayaan, pag-iwan (o pagpalya) ng Ṣalāh, at iba pang mga kasamaan, kaya huwag ninyong tastasin ang sinulid na inyong tinahi, kung saan ikaw ay magiging
كَٱلَّتِى نَقَضَتْ غَزْلَهَا مِنۢ بَعْدِ قُوَّةٍ أَنكَٰثًا
{tulad niyang babae na tinastas ang kanyang sinulid matapos na ito’y naging mahigpit}
Kaya katakutan ninyo ang Allāh mga alipin ng Allāh, pangalagaan ninyo kung ano ang ginawa ninyo mula sa mga mabubuting gawain, at magbalik loob kayo sa Allāh para sa mga pagkukulang ninyo at kamalian, dahil tinatanggap ng Allāh ang pagsisisi ng mga nagbabalik-loob.
Isinalin sa wikang Tagalog ni Ṭāhir Bin Manṣūr sa pamamagitan ng tulong ni Abū Yaḥyá Rueda
May 21, 2020 | Ramaḍān 28, 1441H