Menu

Ang Gabay sa Pagsasagawa ng Ṣalāt al-ʿĪd

Mga Aral at Paalaala 45

Ilang Rakʿah ang Ṣalāt al-ʿĪd?

Ang Ṣalāt al-ʿĪd ay dalawang Rakʿah tulad ng napatunayan sa Ḥadīth ni ʿUmar:

Ang Ṣalāh ng (ʿĪd) al-Aḍḥá ay dalawang Rakʿah at ang Ṣalāh ng (ʿĪd) al-Fiṭr ay dalawang Rakʿah, ang mga ito ay kumpleto at hindi ito pinaikli, [gaya ng naipahayag] sa dila ng inyong Propeta ﷺ”.a1

Ang mga Takbīrāt

Mayroong pitong Takbīrāt sa unang Rakʿah [kasama ang panimulang Takbīr ng Ṣalāh], at mayroong limang Takbīrāt sa ikalawa, na hindi kasama ang Takbīr sa pagtayo (mula sa Sujūd).2
Mula kay ʿĀʾishah na ang Sugo ng Allāh ﷺ ay nagsasagawa ng Takbīrāt sa (ʿĪd) al-Fiṭr at sa (ʿĪd) al-Aḍḥá ng pitong beses sa unang (Rakʿah), at limang beses sa ikalawang (Rakʿah), bukod sa Takbīr para sa Rukūʿ (pagyuko).3

Ang Paglalarawan nito

1.    Sasabihin niya ang panimulang Takbīr [Allāhu Akbar].
2.    At pagkatapos sasabihin niya ang pambungad na Duʿāʾ (panalangin).
3.    At pagkatapos sasabihin niya ang anim na Takbīrāt [Allāhu Akbar, Allāhu Akbar, Allāhu Akbar, Allāhu Akbar, Allāhu Akbar, Allāhu Akbar], at itataas niya ang kanyang kamay sa bawat Takbīr.4
4.   At pagkatapos hihingi siya ng proteksyon mula sa Allāh sa sinumpang demonyo.5
5.   At pagkatapos bibigkasin niya ng malakas sa dalawang Rakʿah.
6.   Sa una, bibigkasin niya ang Sūrah al-Fātiḥah at susundan ito ng [Sūrah] al-Aʿlá.
7.   Sa pagtayo sa ikalawang Raʿkah  sasabihin niya ang Takbīr [Allāhu Akbar], at pagkatapos sasabihin niya ang limang Takbīrāt [Allāhu Akbar, Allāhu Akbar, Allāhu Akbar, Allāhu Akbar, Allāhu Akbar].
8.  At pagkatapos bibigkasin niya ang Sūrah al-Fātiḥah sa ikalawang Rakʿah at susundan ito ng Sūrah al-Ghāshiyah.6
9.  Kung hindi niya kabisado ang al-Aʿlá at Sūrah al-Ghāshiyah7, maaari niyang bigkasin kung ano ang kaya niya mula sa Qurʾān.


[1] Tinipon ni Aḥmad (bilang. 257) at ng iba pa, at inihayag itong Ṣaḥīh ni Albānī
[2] Para sa mga sumusunod sa (Imām) sa Ṣalāh, sasabihin nila ang Takbīrāt ng tahimik sa mga sarili nila, tungkol sa pagsabi nito ng malakas tulad ng Imām, ito ay walang anumang basehan.
[3] Tinipon ni Abū Dāwūd (bilang. 1151), at inihayag itong Ḥasan ni Albānī
[4] Ito ang paninindigan ng Permanenteng Lupon (ng mga iskolar sa Saudi Arabia) (7/48). Ngunit mayroong ibat-ibang opinyon tungkol dito.
[5] Mayroong ibang opinyon kung kailan ito babanggitin, ngunit sapat na ito para sa atin, ang opinyon na matatagpuan sa al-Mulakhkhaṣ al-Fiqhī (1/272).
[6] Ayon sa naiulat na Ḥadīth na tinipon ni Ibn Mājah (bilang. 1283) na inihayag na Ṣaḥīh ni Albānī
[7] Gayundin mula sa Sunnah ay ang pagbigkas ng Sūrah Qāf kasama ang al-Fātiḥah sa unang Rakʿah at Sūrah al-Qamar sa ikalawa, ayon sa Ṣaḥīh Muslim (bilang. 891).


Isinalin sa wikang Tagalog ni Ṭāhir Bin Manṣūr sa pamamagitan ng tulong ni Abū Yaḥyá Rueda
Isinalin ito sa pahintulot ni Shaykh Hassan Somali
May 22, 2020 | Ramaḍān 29, 1441H


X Incorrect username or password! Username and password cannot be empty!