Menu

Ang paggamit ng katatawanan sa Daʿwah - Shaykh Ṣāliḥ al-Fawzān


Tanong:

Nawa’y bigyan kayo ng Allāh ng kabutihan, sinabi ng nagtatanong: Kasama po ba sa paraan ng Daʿwah ang paggamit ng katatawanan at patawanin ang mga tao upang makuha ang kanilang mga puso sa relihiyon? At ano ang tamang pamamaraan? Nawa’y gantimpalaan kayo ng Allāh ng kabutihan.

Shaykh Ṣāliḥ al-Fawzān:

Ang Daʿwah ay hindi (ginagawa) sa pamamagitan ng pagbibiro, komedya, at pagpapatawa. Ang Daʿwah ay (ginagawa) sa pamamagitan ng Aklat (Ang Qurʾān) at Sunnah at pangangaral, at hindi sa (pamamagitan ng) pagbibiro, o pagpapatawa sa mga tao o mga pamaraan tulad nito. Ito ay hindi mula sa kahinahunan. Maaring ang iba ay magsabing ito ay mula sa kahinahunan, ang kahinahunan ay hindi sa pamamagitan ng pagbibiro na mauuwi sa pagpapatawa. Ito ay mula sa mga bagay na ikabababa ng katayuan ng nag-anyaya (sa Islām).

Tuwing makikita nila siya na nagbibiro, nagpapatawa, at iba pa, bababa ang tingin nila sa kanya, at siya ay magiging isang komedyante, hindi isang tagapag-anyaya sa Allāh, siya ay magiging tulad ng isang aktor. Itong mga bagay ay magpapababa ng kahalagahan ng Daʿwah (sa Allāh) at ng kalagayan ng nag-aanyaya.

Ang nag-aanyaya ay dapat mag-anyaya sa Allāh sa seryosong pamamaraan, sa pamamaraan ng Aklat (Qurʾān) at Sunnah. At hindi naiulat sa Aklat (Qurʾān) at sa Sunnah na ang katatawanan at pagbibiro ay kasama sa pag-anyaya sa Allāh. Sinabi ng Allāh sa Kanyang Propeta:

﴾ٱدْعُ إِلَىٰ سَبِيلِ رَبِّكَ بِٱلْحِكْمَةِ وَٱلْمَوْعِظَةِ ٱلْحَسَنَةِ وَجَٰدِلْهُم بِٱلَّتِى هِىَ أَحْسَنُ﴿

Mag-anyaya ka patungo sa iyong Panginoon ng may karunungan at kaaya-ayang pangangaral, at makipagtalo sa kanila sa mahusay na paraan.[1]

Na may karunungan, ibig sabihin sa pamamagitan ng kaalaman; at paglalagay ng mga bagay sa kanilang dapat kalagyan. Makipag-usap ka sa mangmang kung saan naiintindihan niya; makipag-usap ka sa maalam kung saan naiintindihan niya. Makipag-usap ka sa namumuno sa paraan na angkop. Makipag-usap ka sa bawat tao sa pamamaraan na angkop para sa kanila. Ito ay mula sa karunungan.

Gayundin ang karunungan ay kaalaman, kaya huwag magbigay ng Daʿwah kung ikaw ay ignorante. At kaaya-ayang pangangaral; at makipagtalo sa kanila sa mahusay na paraan. Hindi kasama dito ay komedya. Ang pagbibiro ay hindi kasama sa paraan ng Daʿwah. Pinabababa nito ang kahalagahan ng Daʿwah at pinaliliit nito ang katayuan ng nag-aanyaya, at siya ay lalabas na walang halaga sa paningin ng mga tao, dahil hindi siya marunong mahiya at nakakawalang gana (pakinggan). Kaya hindi tayo magdadagdag ng ibang bagay sa Daʿwah na wala sa pamamaraan nito.


[1] Sūrah an-Naḥl 16:125


Isinalin sa wikang Tagalog ni Ṭāhir Bin Manṣūr sa pamamagitan ng tulong ni Abū Yaḥyá Rueda
March 12, 2019 | Rajab 05, 1440H

X Incorrect username or password! Username and password cannot be empty!